Mas bigyan halaga ang katangian kaysa istilo sa pakigpaglaban
Ang wastong pagpili ng manok pang sabong ay ang pinakasusi sa tagumpay.
Alin ang pinakamahusayng laro ng manok? Ang abang at angat? Ang agresibo at mabilis? O, ang mailag at nagaantay lang sa ibaba? Ang mga ito’y istilo sa pakipaglaban, at tayo’y may kanya-kanyang hilig na istilo.
Malamang tayo’y naimpluensyahan ng ating mga malimit na kasama at kabarkada sa sabong. Maari ring sa ating panay na pagpunta sa sabungan at pag panuod ng laban ay nakabuo tayo ng sariling pamantayan sa pagpili.
Halimbawa, marami sa mga baguhan ay mahilig sa manok na agresibo, yong palo ng palo. Samantalang ang mga matagal-tagal na sa pagmamanok ang gusto naman ay ang abang at angat.
Kung istilo ang paguusapan, mahirap masabi alin talaga ang pinakamaige. At saka mahirap kung istilo ang ating gawing batayan sa pagpili dahil, halimbawa, may abang na magaling, may abang din na mahina. Ganoon din sa mga agresibo, at iba pang mga istilo.
Kaya tayo sa RB Sugbo mas binibigyan natin ng kahalagahan ang mga katangian kaysa istilo. Halimbawa bangitin natin dito na ang manok na sugod ng sugod ay malimit matalo sa manok na nag-aabang. Totoo. Pero hindi ang pagiging agresibo ang nagpatalo sa manok na sulong ng sulong kung di ang pagiging bobo nito. Sumusulong kahit hindi dapat.
May manok na agresibo ngunit matalino. Sulong ng sulong nga pero panay naman ang patama sa kalaban. Cutting ability; tapang, tibay at lakas; at utak, liksi at bilis. Ang mga ito ang mga kanaisnais na katangian na gusto nating taglay ng manok sa kanyang pakikipaglaban. Hindi ang istilo sa pakikipaglaban, kung di ang mga katangian ang mas maigeng gamiting batayan sa pagpili ng manok base sa kagalingan sa bitaw.
May mga nagmamanok ng binabatay ang kanilang pagpili sa istilo na nakakahiligan nila. May mga sabungero na ang gusto ay manok na angat sarado. Ang iba naman ay yong agresibo at palo ng palo ang hilig. Delikado ito. Dahil kalimitan nabubulagan sila sa mga kahinaan na taglay ng manok kung ang istilo nito’y angkop sa kanilang gusto. Mas mahalaga na taglay ng manok ang mga kanaisnais na mga katangian, na nabanggit natin, maging ano pa man ang istilo nito sa pakipaglaban.
Ang istilo, tulad ng angat, ay masisira ang diskarte kung ang kalaban ay hindi rin papasok. Samantalang ang mautak na manok ay mananatiling mautak kabila ng pagiging mautak din ng kalaban. Ganoon din ang manok na matapang, malakas, mabilis at maliksi. Mananatili itong taglay ang katangian ano paman ang istilo ng kalaban o ano pa man ang kakayahan nito.
Hindi ang pagiging angat o pagiging shuffler ang dahilan bakit manalo ang isang manok, kung hindi ang cutting ability, tapang, tibay at lakas, at utak, liksi at bilis. Sa pagpili ng manok panlaban, katangian at hindi istilo ang mas bigyan halaga.
.
.
.
.
.
.