Ano ang manok na puro?
Sabi ng iba walang manok na puro… Tama!
Sabi naman ng iba may manok na puro… Tama!
Oo dahil depende yan ano ang ibig nating sabihin sa salitang manok na puro. Kung ibig nating sabihin na puro manok, walang halong pato, meron. Kung ibig nating sabihin manok na puro American game, walang halong asil meron din. Manok na puro talisain, puro pula o puro straight comb meron din. O ang manok na homozygous sa isang katangian ay puro sa katangiang ito.
Pero kung ang ibig natin sabihin na puro na ang taglay na mga genes ay katulad na katulad sa genetic composition ng orihinal na blue face hatch, wala na. Imposible yang mangyari. Hindi ma –clone pamamagitan ng pag-brebreding ang exact genetic composition ng isang particular na manok dahil sa dami ng posibilidad.
Kung ibig naman nating sabihin na puro sa pangalan ng lahi na blue face hatch, madali lang yan.
Paano? Paano mo ma-maintain ang puro blue face hatch na nabili mo sa isang sikat na breeder kung hindi mamentena ang genetic composition ito? Madali lang. Wag mo lang palitan ang pangalan, puro blue face hatch parin ang ipangalan mo at magiging puro yan sa pangalan na blue face hatch.
Malimit mga buyers ay nagtatanong; mayroon kayong pure? Magkano ang pure trio nyo? Ngunit ano ba talaga ang ibig nilang sabihin?
Mayroon ding nagtatanong; seed fowl ba ito? Ano naman ang ibig sabihin ng seed fowl?
At, ano ba talaga ang kailangan ng isang breeder? Ang pagiging puro ng isang manok sa pangalan ng lahi o ang pagiging puro sa mga kanaisnais na katangian?
Halimbawa ipagpares natin ang isang pea comb na kelso sa isang straight comb na kelso, ang anak nito ay isang pure kelso. Pero hindi pure sa katangiang hugis ng palong. Kasi half pea comb half straight comb ito bagama’t pea comb ang palong nito dahil dominante ang pea comb kaysa straight comb. Samakatuwid itong nasabing manok ay puro sa pangalan ng lahi na kelso, pero hindi ito puro sa katangiang pea comb. Hindi ito seed fowl sa katangiang pea comb dahil kung gagawin itong pangasta maari itong magtapon ng gene na straight comb.
Talaga namang may mga manok na puro, oo, puro sa iilang kanaisnais na katangian, bagama’t baka walang manok na puro sa lahat ng kanaisnais na katangian.
Puro sa pangalan ng lahi ang hanap nyo? Walang problema, marami dyan.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.