Wais na Pagpili ng Palahiin
Sa Paghanap ng magaling na palahiin, unang-una ay huwag tayong magdalawang isip na gumasta ng malaking halaga, hanggang sa abot ng ating makakaya, sa pagbili ng mga pangasta o palahiin. Kung may isang bagay saan hindi tayo dapat magtipid, ito ay ang pagdating sa pagbili ng broodcock at broodhens.
Sabi nga ng isang batikang breeder, ang inisyal na halaga ng breeding materials, gaano man ito kamahal, ay kalaunan ay napakaliit na lang kung ihahambing sa ibang gastos tulad ng sa mga pabahay, pasilidad at mga gamit sa manukan, pakain, at sahod ng mga tauhan. Lalo na ang panahon na masasayang pag lumabas di mabuti ang ating mga palahi dahil bulok ang materyales na nakuha natin.
Huwag tayong matakot na magbayad hanggang abot-kaya natin, ngunit hindi ibig sabihin na basta na lang tayo susugod. Ang praktikal na manlalahi ay wais na manlalahi. Lalo na pagdating sa gastos. Ilagay natin sa isip na hindi porke mahal ang materyales ay magaling na ito. Hindi rin na dahil mura lang ang materyales na ito ay hindi magaling. May pagkakataon na ang binabayaran natin ay ang katanyagan lang ng manlalahi kung saan natin kinuha ang materyales.
Ngayon hindi na mahirap maghanap ng materyales. Madali nang makuha nang mga numero ng telepono ng mga sikat na manlalahi dahil sa nagsilabasang aklat, magazine at programa sa telebisyon tungkol sa larong sabong.Ang gawin lang natin ay ang magpasya kung anong uri ng manok ang gusto natin. Pagdating sa pagpasya hindi ang pangalan ng linyada o kasikatan ng manlalahi ang gawing batayan.
Ang problema ng maraming baguhan ay binabatay nila ang bloodline selection sa mga bantog na pangalan ng lahi. Kung sikat ang sweater, hanap tayo ng sweater. Kung sa panahon na lemon ang bantog, lemon naman ang hanap natin. Pero ang totoo ang kagalingan ay wala sa pangalan ng lahi. May sweater na magaling, may sweater na bulok. Ganon din ang lemon, roundhead, hatch, kelso, clarets, at iba pang mga lahi.
Sa ating pagpili ng panlaban batay sa bloodline, hindi ang pangalan, kundi ang performance ng indibidwal na pamilya ang ating pag-ukulan ng pansin. Dapat nanggaling sa isang mahusay at nagpapanalong linyada kahit ano pa man ang tawag nito.
Kaya mahalaga na ang manlalahi ay may kaalaman sa sabong, "in general", at hindi lang sa pagpapalahi. Dahil kung di natin alam kung anong uri ng manok ang nagpapanalo ay hindi rin natin malalaman kung anong manok ang ipalabas sa ating palahian.
(Basahin ang E-book “Manwal sa Pagpapalahi.” Coming soon. Free to members of Suregain Club. Be a member. )